Photo Essay: Art Exhibit

Noong ika- 15 ng Mayo 2019, ginanap ang kauna-unahang art exhibit ng ADT-111 sa Lyceum of the Philippines University-Cavite sa silid J404 bilang parte ng kanilang Alternative Learning Experience sa asignaturang contemporary arts. Alas siyete pa lamang ng umaga ay nasa loob na ng pintong ‘yan ang ilang estudyante sa pangkat upang simulan ang dekorasyon ng silid. Sa likod ng pintong ito ay nakakubli ang mga natatanging likha ng bawat estudyante ng ADT-111 na talaga namang kanilang pinag-hirapan. Kaakibat din ng bawat likhang kanilang ginawa ang kanilang mensahe na nais iparating sa mga taong papasok sa silid na ito.

“COSMOS”, iyan ang unang sasalubong sa iyo sa pag-pasok mo sa silid. Bakit nga ba Cosmos? Dahil ito ang napagka-sunduang tema o paksang nais pag-tuunang pansin ng buong klase. Ang cosmos ay tinatawag din bilang Universe kung saan napapaloob rito ang mundo at kalawakan. Ngayon, nais bigyang pansin ng pangkat ADT-111 ang mga problemang nauugnay sa mundo at kalawakan upang magkaroon din ng kamalayan at kaalaman ang bawat taong papasok sa silid patungkol sa problemang kinahaharap ng mundo na maaaring maging problema rin sa kalawakan dahil sa kagagawan ng tao.

Narito ang ilang litrato ng mga ginawa ng ADT-111 bilang pang-malakihang disenyo sa silid. Ang rocket ship ay nagsilbi bilang center piece sapagkat ito nga ay nauugnay sa kalawakan. Maging ang constellations sa gilid na matatagpuan sa kalawakan. Nakaragdag at nakatulong din ang mga disenyong ito at maging ang lighting ng silid upang mas mag mukhang kalawakan ang silid. 

Narito sa litrato ang ilan sa mga taong dumalo sa exhibit at umikot upang tignan ang bawat likha ng pangkat. Ang ilan sa kanila ay namangha habang kumukuha ng mga litrato. Ang iba naman ay seryosong nakatingin sa bawat likha na para bang sinusuri kung paano ito ginawa o kung anong ginamit upang magawa ang mga iyon.

Ito ang ilan sa mga likha na matatagpuan sa silid. Hindi pare-pareho ang estilo o uri ng sining ang ginamit ng bawat miyembro ng ADT-111 dahil may kaniya-kaniyang kakayahan at estilo ang bawat isa pagdating sa paglikha ng sining. Ang iba ay kumuha ng mga litrato, ang iba naman ay nag-layout ng poster at ang iba ay gumuhit at nagpinta sa digital o makabagong paraan gamit ang teknolohiya at ang iba ay tradisyunal na paraan. Ang bawat miyembro ng klase ay nagkaroon ng kontribusyon sa bawat likhang naka-paskil sa loob ng silid kaakibat ang mga mensaheng nais nilang iparating sa bawat taong makakakita ng kanilang gawa.

Sa pagpapatuloy ng exhibit, nagkaroon ng mga ilang pagtatanghal. Mayroong open mic para sa mga tao na nais mag-bahagi ng kanilang kaalaman o talento sa pagkanta, pagsayaw, o ‘di kaya naman sa pagtula at iba pa. Ang ibang miyembro ng pangkat ay nagtanghal rin at ipinakita ang kanilang talento sa pagsayaw at pagkanta. May mga kantang walang kaugnayan sa paksa ng exhibit at mayroon din namang kanta na sadyang ginawa upang maiparating ang mensahe patungkol sa persepsyon ng mundo sa mga ginagawa ng tao na ikinasisira nito.

Parte rin ng exhibit ang film viewing kung saan ipapanood ng pangkat ADT-111 ang maikling pelikula na ginawa ng ilan sa kanila na may kaugnayan rin sa tema o paksa ng kanilang exhibit. Ang maikling pelikula ay tungkol sa mag-kasintahang nire-representa ang tao at mundo na kaakibat ng kung anong klaseng relasyon ang meron sila ay ang problemang nire-representa ang realidad. Mula naman sa reaksyon ng mga nanood, ang iba sa kanila’y seryoso at tutok habang ipinapalabas ang pelikula. At nang matapos ito,  sila ay natuwa at mukha namang nagandahan sa pelikula dahil na rin sa layunin nitong mamulat ang mata ng mga manonood sa estado ng mundo at kalawakan.

Matapos ang film viewing, sumunod ay ang fashion show. Ang mga damit sa larawan ay mano-manong ginawa at itinahi ng runway team ng pangkat ADT-111. Bawat detalye sa damit at make-up sa mukha ay talaga namang pinaglaanan nila ng oras upang magawa. Base naman sa reaksyon ng mga manonood nang mag-simula na maglakad ang mga modelo, sila ay tutok at may mga taong bakas sa mukha na sila ay nagandahan sa mga damit.

At bilang pagtatapos, ito ang buong klase ng ADT-111 matapos ang kabuuan ng exhibit. Matagumpay nilang naitawid ang buong araw sa kabila ng kanilang paghihirap sa paggawa ng mga disenyo, damit, pelikula, dekorasyon sa silid, mga indibidwal na likhang sining at maging ang iba’t-ibang gawain sa iba’-ibang asignatura. Bukod doon, naging matagumpay sila hindi lamang sa aspetong makuha ang atensyon ng mga tao base sa biswal na kagandahan ng silid, kundi maging ang kanilang atensyon sa pagkakaroon ng kaalaman at kamalayan patungkol sa problemang kinahaharap ng mundo na maaaring maging problema ng kalawakan kung patuloy na magbubulag-bulagan ang tao sa mga bagay na ginagawa nilang makakasira sa dalawang ito.

Lakbay Sanaysay: A two day trip and a night in Baguio

Noong ika-28 ng Disyembre 2017, isang mahaba-mahabang biyahe ang aming tinahak. Mula sa patag, mababa, at diretsong daan, naging isang patag ngunit bali-balikong daan na pataas. Aaminin kong sa kabuuan ng biyahe mula Cavite hanggang Baguio, ako ay tulog ngunit nagising rin nang malapit na kaming makarating sa unang destinasyon. Habang paakyat ang tinatahak na daan, aking natatanaw ang mga punong kay tataas at nakikisayaw sa galaw ng hangin. Pag-labas sa sasakyan, malamig na hangin ang agad na sumalubong sa akin.

Unang destinasyon ay ang Lion’s Head kung saan may malaking estatwa ng Leon. Agad kaming umakyat sa itaas upang makakuha ng litrato at pagka-baba naman ay may nakita kaming St. Bernard na aso. Ito ay isang uri ng aso na talaga namang malaki kung kaya’t ako’y medyo nag-alangan noong una kung ako ba ay magpapakuha ng litrato, ngunit sa huli napagtantuhan kong mukha namang mabait ang aso kaya’t nagpakuha na ako ng litrato kasama ito. Kasunod no’n ay may mga taong nagpapa-renta ng Igorot costumes na kung hindi ako nagkakamali, ito ay nasa 25-50 pesos. Sinubukan naming isuot ang mga Igorot costumes at may kasama pang mga props para sa litrato na masasabi kong maganda sapagkat maganda rin ang tanawin sa likod.

Matapos no’n, dahil tumataas na din ang sikat ng araw at dumadami na rin ang turista, napag-desisyunan namin na dumiretso muna sa aming tutuluyan upang tignan kung maayos ba ito. Pagdating namin doon, aking nadatnan ang isang bahay ngunit puro kwarto. Sa aming pagpasok, ramdam ang lamig sa pasilyo ng bahay at nang makarating kami sa kwarto, ito’y nililinis pa lamang kaya’t pinili na lamang muna naming umalis at bumalik na lamang doon pag-tapos ng aming pag-pasyal sa ilang lugar sa Baguio. Bilang pag-papatuloy sa aming pag-lalakbay, ang ikalawang destinasyon ay ang Mines View Park kung saan makakakita ng isang maganda at malawak na tanawin. Sinubukan ng aking ina ang sumakay sa kabayo at magpa-kuha ng litrato ngunit hindi ko na sinubukan pa ito sapagkat nag-aalangan ako.

Ang sumunod naman naming pinuntahan ay ang Botanical Garden kung saan naghanap din kami ng mga souvenir na maaari naming ibigay sa aming mga kaibigan pag-balik sa Cavite. Nilibot namin ang buong lugar na pinalilibutan ng mga nagtataasang mga puno at mga bulaklak at kumuha ng mga litrato. Nang kami ay paalis na, isa-isang naglapitan ang mga matatandang Igorot na maaaring makasama sa litrato at kung hindi ako nagkakamali, ito rin ay may bayad sa halagang 10-20 pesos bawat isa.  Masaya naman dahil kahit masyado silang madami sa isang litrato, makikita na talaga namang tunay ang mga ngiting naka-paskil sa kanilang mga mukha habang naka-harap sa camera.

Ang ikaapat na destinasyon naman ay ang The Mansion kung saan kumuha lang din kami ng litrato sa harap ng malaki at puting mansion. Sa tapat nito ay napansin kong may nagtitinda ng taho na hindi lang pangkaraniwang taho dahil ito ay strawberry flavor. Agad naman akong lumapit upang bumili dahil sabi ng iba, masarap daw ito. Nang aking tikman, hindi naman ako nabigo sapagkat masarap nga at lasang strawberry talaga. Pagtapos ay kumain muna kami bago tumuloy sa huling destinasyon para sa araw na iyon. Matapos kumain, dumiretso na kami sa Dino Island at nakarating nang bandang pa-hapon na, kung saan sumalubong sa amin ang ulap na makulimlim at kaunting patak ng ulan. Hindi namin inalintana ang ambon at tumuloy na lamang upang magkaroon din ng karagdagang karanasan at kaalaman kasama ang pamilya. Lumibot kami sa buong lugar at kumuha ng litrato sa iba’t-ibang uri ng Dinosaur. Hindi na rin namin masyado nakita ang mga burol o kabuuan ng tanawin sapagkat natatakpan ito ng makakapal na fog ika- nga sa ingles.

Nang kami’y nakaramdam na ng pagod, naisipan na naming bumalik sa aming tutuluyang bahay. Hindi maita-tangging napakalamig sa Baguio dahil nang matapos kaming kumain at oras na para matulog, ramdam na ramdam ko ang lamig kahit ako’y balot na balot na ng jacket at kumot kahit walang aircon o electric fan. Kinabukasan, kami ay pumunta sa Burnham Park upang lumibot lang din at kumuha ng litrato. Matapos ay napag-desisyunan na naming bumaba ng Baguio at umuwi sa bahay ng aking Lola sa Pangasinan. At bilang kabuuan para sa aking naging pag-lalakbay sa Baguio, masasabi kong naging masaya at sulit ang aming dalawang araw at isang gabi na pananatili roon sapagkat marami din kaming napuntahan at naging masaya naman kami sa mga tanawing nakita maging sa lamig ng Baguio na wala sa Cavite. Hindi man gaano naging perpekto ang aming pananatili roon dahil sa problema sa kakainan, masaya ako at kasama ko ang aking pamilya sa aking pag-lalakbay sa Baguio.

Bionote

Si Aljerica Mhei V. Mangampat ay labing pitong taong gulang na ipinanganak noong ika- 7 ng Mayo 2002 at isang mag-aaral sa Lyceum of the Philippines University- Cavite na nasa ika-labing isang baitang sa Senior High School. Siya ay nabibilang sa Arts and Design Track upang ipagpatuloy ang hilig niya sa pag-likha ng sining. Siya rin ay honor student ika-nga sa ingles simula sa ika-walong baitang hanggang ika-sampung baitang. Simula pa lamang sa ika-anim na baitang, nagkaroon na siya ng interes sa pag-guhit, pag-pinta at iba pa. Nakasali na rin siya sa mga patimpalak sa labas at loob ng paaralan na may kinalaman sa pag-likha ng mga poster ika-nga sa ingles. Sa kasalukuyan, siya ay nag-aaral upang mas magkaroon ng kontribusyon sa pag-usbong ng sining sa bansa.

“Have You Thanked Our Heroes?” Art Review

“Have You Thanked Our Heroes?” by Solenn Heusaff

Ang piraso ng sining na ito ay pinamagatang “Have you thanked our heroes?” na ginawa ni Solenn Heusaff. Ang sining na ito ay ginawa base sa personal na karanasan ng lumikha kaugnay sa mga sundalo na lumaban para sa ating bansa. Kung sa unang tingin, mukhang wala masyadong nilalaman ang sining na ito. Ngunit, kung pakatitigang mabuti, malalim ang gustong iparating ng may likha nito. Kung kaya, ating silipin ang gustong iparating ng lumikha sa pamamagitan ng bawat elementong nakapaloob sa likhang ito.

Mula sa mga elemento ng sining, ang linya sa pintang ito ay pa-slant o diagonal ika-nga sa ingles na nagpapahiwatig ng kawalan ng balanse o kaguluhan kung saan iyon ang sitwasyon sa digmaang kinabilangan ng mga magigiting na sundalo. Ang hugis naman na mayroon sa likhang ito ay tinatawag na organic shape o biomorphic shape na nagpapahiwatig ng buhay katulad na lamang ng mga bulaklak na maaaring sumi-simbolo sa kapayapaan na nais makuha ng mga sundalo o ng kahit sinong mamamayan para sa ating bansa. Kung titignan naman ang espasyo, maaari itong tignan sa perspektibo. Ang likhang ito ay nag papakita ng mababaw na espasyo sapagkat ang paksa o tao sa likhang ito ay malapit lamang sa mga taong makakakita nito. Ngunit, maaari na gustong ipahiwatig ng may likha na hindi mababaw ang nagawa ng mga sundalo para sa atin sapagkat may pagka malalim ang likod at ibabang espasyo ng likhang ito na maaaring nagpapahiwatig na dapat nating kahangaan at pasalamatan ang mga sundalo sa kanilang matapang na pakikipaglaban sa digmaan. Para naman sa form ika-nga sa ingles, hindi masyado naipakita ang pagiging 3-Dimensyonal ng may hugis sa likhang ito.

At bilang pang huli, isa sa mga pinaka importanteng elemento ng sining ay ang kulay. Makikita na ang mga kulay na nakapaloob at pinaka makikita sa likhang ito ay ang kulay kayumanggi, berde, abo, asul, pula, puti, at itim. Para sa kayumanggi, sumisimbolo ito bilang kulay ng pagtitiis o pagtitiyaga at tahanan o lupang sinilangan na maaaring nagpapahiwatig kung paano tiniis ng mga sundalo ang bawat sugat o tama ng baril upang protektahan ang ating lupang sinilangan. Para naman sa berde, sumisimbolo ito sa kulay ng serbisyo kung saan talaga namang pinaglingkuran ng magigiting na sundalo ang ating bansa sa pamamagitan ng walang takot na pakikipaglaban sa mga gustong humamak sa ating bansa. Ang kulay abo naman ay sumisimbolo sa kalungkutan na suot ng nanay na may hawak na bata kung saan maaaring iyon ang nararamdaman ng may likha dahil sa nangyaring digmaan at sa dami ng sundalong naghirap at pamilyang nawalan ng gamit o minamahal. Para naman sa kulay pula, maaaring sumisimbolo ito bilang kulay ng digmaan at dugong dumanak dahil sa dami ng taong nasaktan at nawala. Samantalang ang kulay puti naman ay maaaring sumisimbolo sa kapayapaan at kabutihan na inaasam ng bawat mamamayan sa bansa. Kulay asul naman na maaaring sumisimbolo rin bilang kulay ng kapayapaan at pagkakaisa dahil sa panahon ng kapahamakan, pagtutulungan at pagkakaisa ang dapat na ginagawa. At ang kulay itim naman ay sumisimbolo bilang takot na hatid ng digmaan sa mga mamamayan.

Bilang kabuuhan, maganda at maayos na nai-pinta at nailahad ng may lika ang kaniyang nais ipakita at iparating sa mga makakakita ng kaniyang obra maestra. Bawat elemento ng may likha ay masasabing maayos na nailahad dahilan upang magkaroon ng magandang resulta ang guhit na binigyang buhay. Makikita rin sa pintang ito ang emosyon ng pintor at kung gaano niya gustong maipakita ang kahalagahan ng mga sundalo at ang kanilang katapangan sa pakikipaglaban para sa bansa. Kaya naman, masasabing sa pintang ito, talaga namang naipahayag ni Solenn Heusaff ang kaniyang perspektibo at nararamdamang pasasalamat sa mga sundalo. Bawat linya, hugis, espasyo, form ika-nga sa ingles at kulay ay naipakita ng maganda at maayos sa pintang iginuhit ng pintor kaakibat rin ng kaniyang nais iparating sa mga makakakita nito. Kaya naman, karapat-dapat na bigyang pugay at pasasalamat ang matatapang at magigiting na sundalo.